General Information and Millennial Jobs for every Filipinos

NPA terrorist at anak ni Bayan Muna Representative Eufemia Campos Cullamat, patay matapos maka-engkwentro ang 3rd Special Forces "Arrowhead" Battalion

Manila, Philippines (November 30, 2020)-NPA terrorist at anak ni Bayan Muna Representative Eufemia Campos Cullamat, patay matapos maka-engkwentro ang 3rd Special Forces "Arrowhead" Battalion (3SFBn) sa Surigao Del Sur. 

Pahayag ni Rep. Eufemia C. Cullamat sa pagkakapaslang ng kanyang bunsong anak:

“Mahal ko ang anak ko na nagmahal sa bayan. Ipinagmalalaki ko siya.  Bayani siya ng mga Lumad at ng buong bayan.”

Bilang isang ina, basag ang puso ko ngayon sa balitang nasawi ang anak kong si Jevilyn sa isang insidente sa Marihatag, Surigao del Sur. Matindi ang aking pagdadalamhati sa pagkapaslang ng aking bunsong anak. 

Mariin kong kinokondena ang ginawang pambabastos at pambababoy sa labi ng aking anak. Hindi siya bagay, hindi siya isang tropeo na ipaparada para lamang sa propaganda ng militar. Hindi niyo na ginalang ang patay, binabastos pa ninyo ang nagluluksa naming pamilya. Hinihiling ko sa militar na huwag gamiting tropeo ang bangkay ng aking anak. Hayaan ninyo ang aming pamilya na makapagluksa at makapagbigay ng parangal sa kabayanihan niya. 

Mahal na mahal ko si Jevilyn. Isa siyang tahimik at mabait na anak. Pinalaki namin siya na maging makabayan, matapang, at may sariling pag-iisip at paninindigan. Sa aming mga Lumad, bawat bata ay inaaruga para maging kapaki-pakinabang at mag-ambag sa komunidad.  

Ang desisyon niyang lumahok sa armadong pakikibaka ay hindi simpleng bagay, at bunga na rin ng pang-aabusong dinanas naming mga Lumad at ang matinding kahirapan na nasaksihan niya.  Nakita ng kanyang dalawang mata kung paano pinaslang ng mga paramilitary ang aming mga lider na si Dionel Campos, Datu Bello Sinzo, at Executive Director ng ALCADEV na si Emerito Samarca noong September 1, 2015.

Bagamat bilang isang ina ay nag-alala rin ako at masakit ang mawalan ng isang anak, nanaig pa rin ang respeto ko sa naging desisyon ni Jev. 

Anupaman ang sabihin ng mga buwitreng pumapaligid ngayon sa bangkay ng aking anak, ito ang tanging masasabi ko: hindi nasayang ang kanyang buhay na inalay niya para sa bayan at para sa pagdepensa ng aming lupang ninuno.  Malaking karangalan sa akin na nagkaroon ng isang anak na naging martir at mandirigma.  Mahal na mahal ko ang aking anak na buong buhay na naglingkod at nagmahal sa bayan.

Walang pag-alinlangan kong sasabihin ito: ipinagmamalaki ko si Jevilyn dahil lumaban siya sa isang sistemang mapang-api lalo na sa aming mga Lumad. Walang nanay na magtatakwil sa anak na nagsantabi ng pansariling interes at nag-alay ng kanyang buhay para sa bayan at  para sa pagdepensa sa aming lupang ninuno.

Share:

No comments:

Post a comment

Loading...

Blog archive